Virtual Reality at Virtuous Reality: Mga Papel ng Agham Panlipunan at Pilosopiya sa Ika-Dalawampu’t-Isang Siglo

Leonardo D. de Castro
Professor and Chair, Department of Philosophy
University of the Philippines Diliman

http://doi.org/10.57043/transnastphl.2001.5147

Abstract

Iba’t-ibang ang maaaring maging karakterisasyon sa kapanahunang dinadaanan natin ngayon. Depende sa perspektibo ng komentaristang pumupuna, ang ating kapanahunan ay madalas mabigyan ng bansag na kumakatawan sa isang uri ng teknolohiyang nangingibabaw at gumagabay sa pag-unlad. Halimbawa, mayroong nagsasabi na tayo ay nasa age of information sapagkat ang teknolohiya ng impormasyon ang nagsisilbing layag para sa landas na tinatahak ng sibilisasyon. Mayroon namang nagsasabi na tayo ay nasa age of biotechnology sapagkat, para sa kanila, ang mga makabagong tuklas at imbensiyon sa larangang ito ang kumakatawan sa direksiyon ng ating pag-unlad. Nagkakaiba ang dalawang ito at ang iba pang karakterisasyon dahil sa kanilang pinagmumulang perspektibo. Gayunpaman, nagkakapareho sila sa palagay na ang takbo ng sibilisasyon ay nakasalalay sa pagtutulak ng dominanteng teknolohiya.

Hindi maipagkakaila ang malaking impluwensiya ng iba’t-ibang teknolohiya sa pag-unlad dahil ang mga ito ang nakapagdidikta ng mga pamamaraang nagagamit para matugunan ang mga pangangailangan ng tao—sa pagpapalago ng agrikultura, pagsugpo sa sakit, pagbibigay ng kasiyahan, pagpapahaba ng buhay, at iba pa. Sa harap ng mga pagbabago na ating nararanasan, kinakailangan nating maging mapagmasid at mapanuri at nang mapanatili natin ang pangingibabaw ng tao sa direksiyong ating tinatahak bilang isang lipunan o sibilisasyon.

Oo nga at ang teknolohiya ay umaandar lamang nang dahil sa pagtuklas at imbensiyon ng tao. Subalit, ang mga tuklas at imbensiyon na ito ay tila may kakayahang magkaroon ng sariling lohika kapag napakawalan na sa lipunan. Ang marami sa kanila ay nagkakaroon ng mga katangiang mapang-akit at mahirap tanggihan, kahit nagiging salungat na sa orihinal na pakay ng paglikhang nagbunga sa kanila. Dahil dito, kinakailangang maging matatag ang tao sa kanilang pagmamasid at pagsusuri sa mga makabagong ugnayan, kapangyarihan, at pagpapahalaga na namumuo sa lipunan. Sa ika-dalawampu’t-isang siglo, ito ang papel na patuloy na gagampanan ng mga agham panlipunan at pilosopiya. Nasa pagpapaigting ng papel na ito nakasalalay ang pagpapalaganap sa kapanahunan ng tao. Tama—sa kabila ng mabilis na pagbulusok ng siyensiya at teknolohiya, ang kapanahunang kasalukuyan ay kapanahunan ng pagbabalik-loob ng tao.